ABANTE
Dondon Sermino
Aga Muhlach, paano ba ang maging ama kay Igi Boy?"Masuwerte ako aky Luigi, dahil napakabait nyang bata at walang bisyo!"
Matagal na naming nakakaharap si Aga Muhlach sa mga interbyuhan, pero sa tuwina ay hindi namin nauungkat sa kanya ang relasyon niya sa kanyang anak kay Janice de Belen na si Igi Boy.
May mga tsismis noon na problemado sina Aga at Janice sa pagpapalaki kay Igi Boy. Pero, kumusta ba talaga ang relasyon ni Aga kay Igi Boy?
"Okey kami. Tumatawag siya sa bahay, nangangamusta lang, nakikibalita. He’s better now.
"Basta ako, palagi kong sinasabi sa kanya, ‘ito ang gusto ko para sa iyo, ito ang gusto ng nanay mo para sa iyo, nilatag namin `yon sa kanya. Pero since parang gusto niyang dumiskarte para sa sarili niya, bahala siya.
"Basta ako, kung may problema siya, kung sumakit ang ulo niya, you suffer the consequences. You want to learn it the hard way, then learn it the hard way, which is nice, I guess. Si Igi kasi, nasa stage siya na nagbibinata siya, na akala niya kaya niya ang lahat.
"Basta sa akin, nag-ieskuwela siya, nag-aaral siya, ayos kaming dalawa. Kung hindi siya mag-aaral, ayos pa rin ako, nakangiti pa rin ako, siya naman ang mamumroblema riyan.
"Ang sa akin kasi, ang dapat lang na pinuproblema niya sa puntong ito, dahil wala naman siyang hanapbuhay, nag-aaral siya, `yon lang ang problemahin niya.
"Kung makikinig lang siya sa amin, wala kaming problema, `di ba?
"Ngayon, he’s turning 18 at nag-aaral naman siya. Okey sa akin `yon, dahil ang sa akin kasi, just keep yourself busy with… Hindi ko naman sinasabi na `yung mga natututunan mo sa eskuwela ay magagamit mo sa pagyaman mo, o sa buhay mo, pero `yung disiplina lang, malaking bagay na `yon.
"`Yung responsibility mo, na masanay ka lang, okey na `yon. `Yung gumising ka para sa school, okey na `yon.
"Sa akin lang, sabi ko sa kanya, kung hindi siya mag-aaral, hindi kami mag-uusap. Kung nag-ieskuwela siya, `yon mag-uusap tayo," bungad na kuwento ni Aga.
Hindi itinatanggi ni Aga na hindi niya sinasanay si Igi sa pera. Naniniwala si Aga na hindi pera ang makapagtuturo sa isang bata para maging maayos ang buhay nito sa hinaharap.
"Hindi ko ibinibigay sa kanya `yung mga hinihingi niya. Hindi talaga. Tabla-tabla talaga kami. Sabi ko nga, kung magloloko ka, tatablahin kita. Halimbawa, lalapit ka sa akin, ‘Pa, pahingi ng ganu’n, may lakad ako.’ Sa akin, bakit kita bibigyan, `di ba?
"Kahit P500 o P1,000, hindi kita bibigyan. Pero, kung nag-aaral ka, nakikita ko naman na nagsusumikap ka at nakikinig ka talaga sa mga magagandang sinasabi namin sa kanya, kung hihingi siya sa akin ng P20,000 ngayong araw na `to para makipag-date, iaabot ko pa sa kanya.
"Kung let’s say, weekend gusto mong lumabas, ilabas mo lahat ng barkada mo, pero Sunday ng gabi uuwi ka at Monday papasok ka sa school, okey lang `yon, ibibigay ko talaga sa iyo," patuloy na kuwento pa ni Aga.
Aminado naman si Aga, hindi rin ganu‘n kadali ang makihalubilo sa kanyang anak. Hindi rin niya magawang diktahan ang anak, dahil hindi rin niya ito nakasama sa mahabang panahon.
"Baka maka-offend din kasi ako sa mga salita ko. Sabi ko lang sa kanya, mas maganda `yung parang magbarkada kami ngayon. Ganu`n lang muna tayo. Ganun lang kasimple. One plus one equals two, ganu`n lang ang buhay.
"Kung gagawin nating one plus one equals three, mahihirapan tayo riyan.
"Ang maganda lang ngayon, may time na kami para sa isa’t isa. `Yun ang nangyayari sa amin ngayon.
"It’s just unfortunate na mula nang ikasal ako, doon lang siya nakakapunta sa akin. Ngayon ganu`n na siya kaluwag. Nu’ng nag-asawa ako, doon lang kasi kami nag-usap ni Janice.
"Pero at least, kahit papaano, maganda na, `di ba? Palagi kong sinasabi kay Luigi na magbarkada kami, na hindi niya ako tatay. Gusto ko kasi `yung maganda `yung diskarte namin sa isa’t isa.
"Pero, masuwerte ako kay Luigi, dahil kahit na ano pa ang sabihin mo, napakabait na bata niya. Wala siyang bisyo.
"`Yun nga lang, medyo iba ang priority niya sa buhay. Basta ang sa akin, kung mag-aaral siya, ayos kaming dalawa," patuloy na kuwento ni Aga.
Natutuwa si Aga dahil magkatuwang na sila ni Janice sa pagpapalaki ngayon kay Igi Boy. Nagkakabalitaan sila at nagsasabihan kung ano ang ginawa ni Igi sa pang-araw-araw.
"Nag-uusap kami ni Janice ngayon. Kumbaga, alam na namin kung ano ang nangyayari kay Igi.
"Alam ni Luigi `yon, na nag-uusap kami ni Janice. Kaya in fairness naman to my boy, he’s trying na maging maayos talaga.
"Nakakalungkot lang talaga, dahil hindi kami nagkasama noon pa. Hindi ko sinasabi na may mali, dahil okey si Janice sa pagpapalaki niya. Pero nanghihinayang din ako na hindi kami masyadong nagkasama ni Igi Boy.
"Sa ngayon, nakakatuwa na, dahil nakakapag-text na si Luigi sa akin, sinasabi na niya na nami-miss niya ako, na mahal niya ako. Nakakatuwa, `di ba?" nakangiting pagbabalita pa ni Aga.
*******************************
Noong mga oras na kinakausap namin si Aga, halatang-halata ang mataas na enerhiya sa kanyang katawan at kaisipan. Kundisyon na kundisyon siyang makipag-usap sa mga manunulat, na pati ang nangyayari sa paligid ay inuusisa rin niya.
Alam ni Aga na maraming hindi magagandang nagaganap sa paligid. Payo nga niya sa mga tao, mas maganda kung idaan sa simple ang lahat ng bagay.
"Yeah, mas maganda `yung simple lang. Na `yung responsibilidad mo, `yun ang gagampanan mo. Pag gumising ka, ayusin mo `yung mga dapat mong ayusin.
"Like `yung mga balit-balitang pangit ngayon, kundi mo alam `yon, mas makakapag-focus ka sa ginagawa mo na puro magaganda. Pero siyempre, may mga tao na `yun ang trabaho nila, na dapat alam talaga nila kung ano ang nangyayari sa paligid.
"Pero, may mga tao kasi na salita nang salita, alam mo naman na hindi totoo ang mga sinasabi nila. Kumbaga, alam mo naman kung sino sila at kung ano ang ginagawa nila.
"Dapat maging happy tayo, `yun ang kailangan natin sa buhay," sabi pa ni Aga.
Ang pera ba ay nakakatulong sa isang tao para maging masaya ang buhay niya?
"Yeah, sa totoo lang, pansamantala. Kumbaga, kung may gusto kang bilhin, pag nabili mo na, magiging masaya ka. Pagkatapos noon, wala ka na naman, iba na naman ang gusto mo, ganu`n lang `yon, `di ba?" tugon ni Aga.
Pero, puwede bang maging simple lang ang buhay ni Aga, na isang sikat at mayamang tao?
"Basta ang sa akin lang, sa experience ko, simula nu’ng lumaki ako sa isang apartment, noong nag-aaral ako, hanggang ngayon na kumikita ako ng ganito, ang nakita ko na importante sa lahat ay `yung kapag nakuha mo `yung fix income mo, na nakukuha mo `yung pambayad sa kuryente, pagkain mo, tuition sa school, `yung pang-araw-araw na kailangan sa buhay, kapag covered na sa kinita mo, ayos na ang buhay mo.
"Kung may iba ka pang gusto, you work for that na lang, `di ba? Kung may gusto kang bilhin na hindi mo kaya, mag-ipon ka na lang, `di ba?" sambit pa ni Aga.
Pero, mahirap pa ring paniwalaan na puwedeng mabuhay si Aga ng simple, ‘di ba?
"Sa akin kasi, kapag nasa kusina ka, magbubukas ka ng ref, magluluto kayo, magkakape kayo, magkukuwentuhan kayo, `yun na `yon, masaya na `yon.
"Sa totoo lang, `yung mga mamahaling bagay, at the end of the day, mari-realize mo na hindi naman `yon ang makapagpapasaya sa iyo. Pero, kung can afford ka naman, why not, bilhin mo, `di ba?
"Kung `yon talaga ang hilig mo, sige lang. Pero, kung hindi mo naman talaga kailangan, huwag na lang."
Eh, ano ba talaga ang importante sa buhay ni Aga ngayon?
"Ang buhay ko, ako. Kasi kung hindi ko mahal ang buhay ko, hindi susunod ang pamilya ko, mawawasak din `yon. Ngayong may pamilya na ako, sabi ko nga, ang success talaga ng isang lalake, hindi `yung yaman mo, kundi `yung kaya mong buhayin at samahan ang asawa mo sa habangbuhay.
"Hindi biro `yung ganu`ng sitwasyon, eh. Pag nagawa mo `yon, ang tigas mo, ang galing mong tao, `di ba?" lahad pa rin ni Aga.
Siyanga pala, sa ika-limang taong anibersaryo nina Aga at Charlene ngayon, plano nilang magpunta sa South Africa. Siyempre, silang dalawa lang ang magkasama at magsisilbing honeymoon na rin ito sa kanila.
Pero sa kasalukuyan, nasa Dubai pa rin si Aga para sa syuting ng pelikulang Dubai, na mula sa Star Cinema.